Inaasahang mas magiging maganda at maayos ang magiging itsura ng Burnham Lake sa pagbubukas nito sa Setyembre 1, ng kasalukuyang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rafael Serano, founder ng Burnham Lake Fishing Tournament, sinabi niyang ikinatuwa niya ang itinakdang petsa ng pagbubukas ng lawa dahil kasabay ito ng pagdiriwang ng Baguio Day. Aniya, sapat pa ang panahon upang maisagawa ang mga kinakailangang pagsasaayos bago tuluyang buksan ang pasyalan sa publiko.
Ayon kay Serano, sang-ayon siya sa pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na sa nasabing petsa isasagawa ang pagbubukas dahil patuloy pa lamang ang pagpuno ng tubig sa lawa. Batay umano sa impormasyon mula sa alkalde, nasa 50 porsiyento pa lamang ang napupunong bahagi ng Burnham Lake.
Una nang sinabi ni Mayor Magalong na isasabay ang pagbubukas ng Burnham Lake sa pagdiriwang ng Baguio Charter Day.
Samantala, nakalagay na rin sa lawa ang mga bagong bangka na gagamitin ng mga bisita. Ayon kay Mayor Magalong, may mga ipinatutupad na pamantayan at patakaran para sa paggamit ng mga bangka upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at turista.
Ipinaliwanag ng alkalde na mayroon nang mga inisyal na disenyo ng bangka, subalit ang mga ito ay kailangang aprubahan at mabigyan ng sertipikasyon ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO).
Dagdag pa niya, mahalaga ang pagsunod sa mga pamantayan dahil may ilang concessionaire na bago pa lamang bago isinagawa ang rehabilitasyon ng lawa.
Nagsimula ang rehabilitasyon ng Burnham Lake noong Oktubre 1, 2025, na may inilaan na badyet na humigit-kumulang P98.9 milyon.
Samantala, isasagawa naman ang ika-12 Burnham Lake Fishing Tournament sa ikalawang linggo ng Disyembre ngayong taon. Inaasahang magiging mas kapana-panabik ang paligsahan dahil inaayon ang iskedyul nito sa paglaki ng mga tilapia na ilalagay sa lawa.









