BAGUIO CITY – Patuloy ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa Lungsod ng Baguio upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga residente sa gitna ng nararanasang Bagyong Maymay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng Baguio City Police Office (BCPO), sinabi nitong isa sa mahigpit nilang binabantayan ang City Camp Lagoon, lalo na kapag tumataas ang lebel ng tubig at naiipon ang mga basura na nagdudulot ng pagbabara sa mga daluyan ng tubig. Ayon sa kanya, malaking bahagi ng problemang ito ay dulot ng iresponsableng pagtatapon ng basura.
Aniya, patuloy ang kanilang koordinasyon sa City Peace and Order Council, City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRM) Committee, at sa mga barangay.
Bago pa man dumating ang bagyo, nagsagawa na ang mga kinauukulang ahensya ng paglilinis sa mga kalsada at iba pang lugar na posibleng maapektuhan ng masamang panahon.
Inatasan na rin ang mga tauhan ng PNP na agad iulat sa kanilang headquarters ang anumang namataang nakatagilid o patay na puno upang mabilis itong maikoordina sa lokal na pamahalaan at sa mga ahensyang gaya ng CEPMO, City Engineering Office, at DPWH.
Bago pa man dumating ang bagyo, tiniyak na rin ng PNP ang kanilang kahandaan, kabilang ang pag-inspeksyon sa kompletong laman ng mga rescue box na may mga lubid, chainsaw, at iba pang rescue equipment. Pinaghandaan din nila ang communication system upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa lahat ng mga ahensyang tumutugon sa mga insidente.
Samantala, siniguro rin ng PNP na nakahanda sila sa anumang posibleng active shooting incident.
Ayon kay Tagel, regular silang nakikipag-ugnayan sa mga school authorities sa pamamagitan ng mga coordinated meetings at tabletop exercises. Nakikipagtulungan din sila sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng pagpapatupad ng mga programang may kaugnayan sa seguridad sa mga paaralan.
Sa huli, nanawagan ang PNP sa publiko na agad ireport ang anumang banta sa buhay at ari-arian upang kaagad itong marespondehan ng mga awtoridad.











