BAGUIO CITY — Pinuri ni Mayor Benjamin Magalong ang mga opisyal ng barangay sa lungsod na patuloy na nagsasagawa ng inspeksyon at pagbabantay sa kani-kanilang komunidad sa kabila ng matinding pag-ulan dulot ng Tropical Depression Maymay.
Sa isinagawang pag-iikot ng alkalde nitong Agosto 6, nakita niyang patuloy na umaaksyon ang mga barangay official sa pagmomonitor ng kalagayan ng mga residente, pagtiyak sa kanilang kaligtasan, at pagtugon sa mga pangangailangan sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Nagpasalamat si Magalong sa dedikasyon at malasakit ng mga opisyal na aniya ay nagpapakita ng kanilang pangako sa paglilingkod publiko.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng presensya ng mga barangay official sa panahon ng kalamidad bilang bahagi ng koordinasyon at paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at maisulong ang isang mas matatag na Baguio.









