--Ads--

Nananatiling sarado ang ilang kalsada sa La Trinidad, Benguet hanggang sa ngayon bilang bahagi ng pag-iingat at para sa seguridad ng mga motorista dahil sa patuloy na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay La Trinidad Mayor Roderick Awingan, sinabi niyang kabilang sa mga kalsadang sarado ang Lubang-Ambiong Road at Longlong-Tam-awan Road.

Gayunpaman, pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at mag-pass with caution sa mga kalsadang maaari pa ring daanan.

Ayon kay Awingan, nararanasan pa rin ang localized flooding sa ilang bahagi ng munisipyo, kabilang ang Strawberry Farm, Betag, at Puguis.

Dahil dito, apektado pa rin ang ilang aktibidad at operasyon sa munisipyo.

Samantala, normal pa rin ang transaksyon ng mga gulay sa La Trinidad Trading Post.

Gayunman, ayon kay Awingan, inaasahang bababa ang suplay ng mga gulay kapag tuluyan nang natapos ang pag-ulan, na maaari umanong magresulta sa pagtaas ng presyo ng mga gulay sa mga susunod na buwan.

Samantala, nabigyan na ng tulong ang mga pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng lupa na naganap sa Shilan, La Trinidad, Benguet noong Agosto 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Awingan, sinabi niyang may mga ipinagkaloob nang tulong mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Provincial Local Government Unit (PLGU), at mga pribadong indibidwal.

Nagpaalala naman si Mayor Awingan sa mga nagpaplanong pumunta o mamasyal sa La Trinidad, partikular na sa Strawberry Farm, na ipagpaliban muna ang kanilang pagbisita dahil sa patuloy na masamang lagay ng panahon.