--Ads--

Muling naranasan ng mga residente ang mudflow sa Kayang Extension Barangay, Baguio City dahil sa patuloy na pag-ulan sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isa sa mga residente sa lugar, sinabi nitong nagsimula ang mudflow dahil sa isinasagawang excavation sa mataas na bahagi ng barangay. Dahil dito, nararanasan na umano ng mga residente ang pagbaha at pagpasok ng putik sa kanilang mga bahay tuwing lumalakas ang ulan, hindi lamang kapag may bagyo.

Aniya, malaking abala para sa kanila ang sitwasyon dahil naaapektuhan ang kanilang trabaho at maging ang kanilang pagtulog. Kailangan umano nilang magbantay upang maiwasang pumasok ang tubig at putik sa kanilang mga bahay.

Naipaabot na rin sa mga barangay officials ang nasabing problema.

Samantala, sa Camp 7, Baguio City, ilang mga puno ang naitalang natumba, kabilang ang isang puno na bumagsak sa isang bahay. Agad namang rumesponde ang mga opisyal at volunteers sa lugar.

Naranasan din ang malakas na agos ng tubig na rumaragasa sa kahabaan ng Naguillian Road dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan.

Dahil sa lakas ng agos at taas ng tubig sa kalsada, ilang motorista, partikular ang mga nakamotorsiklo, ang piniling huwag nang tumuloy sa pagdaan upang maiwasan ang anumang aksidente.

Nagsagawa rin ang Schools Division Office Baguio City ng on-site monitoring at validation sa mga paaralang naapektuhan ng hindi magandang lagay ng panahon.

Kabilang sa nagsagawa ng inspeksyon ang mga personnel ng Schools Division Office Baguio City, Disaster Risk Reduction and Management Office, at Engineering Unit. Sinuri nila ang iba’t ibang pasilidad ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro, estudyante, at iba pang personnel.

Sa Buguias, Benguet naman, dalawang truck na ginagamit sa paghahatid ng mga gulay ang natabunan dahil pa rin sa patuloy na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cristopher Abanag, Punong Barangay ng Barangay Catlubong sa Buguias, sinabi niyang posibleng lumambot ang lupa at bumigay ang retaining wall, na tumama sa dalawang truck.

Gayunpaman, wala namang nasaktan sa insidente.

Samantala, nabigyan na ng tulong ang mga pamilya ng mga nasawi sa pagguho ng lupa na naganap sa Shilan, La Trinidad, Benguet noong Agosto 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay La Trinidad Mayor Roderick Awingan, sinabi niyang may mga ipinagkaloob nang tulong mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Provincial Local Government Unit (PLGU), at mga pribadong indibidwal.

Nagpaalala naman si Mayor Awingan sa mga nagpaplanong pumunta o mamasyal sa La Trinidad, partikular na sa sikat na Strawberry Farm, na ipagpaliban muna ang kanilang pagbisita dahil sa patuloy na masamang lagay ng panahon.