Nagsagawa ng rice distribution sa mahigit 3,000 napiling benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay sa munisipalidad ng La Trinidad, Benguet, kung saan bawat isa ay makatatanggap ng 25 kilo ng bigas.
Ang pamamahagi ng bigas ay bahagi ng Rice Subsidy Program na pinopondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Melanie Sahoy, MSWD Officer ng La Trinidad, sinabi niyang umabot sa 3,225 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ng programa, na may pondong P5 milyon.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga batang nangangailangan ng proteksyon, mga pamilyang kapos-palad at mababa ang kita, at iba pang kwalipikadong sektor.
Nagsimula ang pamamahagi kahapon, Agosto 11, at inaasahang matatapos ngayong araw, Agosto 12.
Nilinaw naman ni Sahoy na walang inaasahang second batch ng rice distribution dahil, batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), one-time distribution lamang ang naturang programa.
Hinikayat din niya ang publiko, lalo na ang mga kabilang sa sektor ng solo parents, senior citizens, at iba pa, na magparehistro upang maging kabilang sa mga maaaring makatanggap ng ayuda sakaling magkaroon muli ng mga katulad na programa.
Samantala, humingi naman ng pang-unawa si Sahoy sa publiko, lalo na sa mga hindi pa nabibigyan, dahil limitado lamang ang pondo at hindi lahat ay maaaring maisama sa listahan ng mga benepisyaryo.








