--Ads--

Pinag-iisipan ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet ang deklarasyon ng state of calamity sa lalawigan dahil sa malawakang epekto ng mga nagdaang bagyo at pinalakas na southwest monsoon o habagat.


Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, tinatapos na nila ang mga kinakailangang dokumento para sa nasabing deklarasyon.


Aniya, makatutulong ito upang agad na ma-access ng mga lokal na pamahalaan ang Quick Response Fund o 30 porsyento ng kanilang local disaster fund, na maaaring gamitin sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga kalsadang napinsala.


Tiniyak ni Diclas ang patuloy na pagtugon ng pamahalaan, lalo na para sa mga pamilyang naapektuhan.


Kabilang sa mga naipamahaging tulong ang prepositioned goods mula sa DSWD at ayuda para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Patuloy din ang pagtutulungan ng mga munisipyo, pamahalaang panlalawigan, at DSWD sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan.


Samantala, sarado ang Gov. Bado Dangwa National Road sa bahagi ng Bangho, Daclan, Tublay, Benguet matapos gumuho ngayong araw ang bahagi ng slope protection o rock netting project sa lugar.


Hindi rin madaanan ang alternatibong Suyoc-Posos Provincial Road dahil sa landslide.


Patuloy naman ang clearing operations ng mga tauhan mula sa Municipal Local Government Unit (MLGU), Provincial Local Government Unit (PLGU), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Suyoc, Daclan, Tublay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at motorista.


Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at umiwas muna sa mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang clearing operations.