Nakatanggap ang Baguio City ng technical assistance mula sa United Kingdom para mapalakas ang water security at pamamahala sa suplay ng tubig ng lungsod.
Pormal na tinanggap ni Mayor Benjamin Magalong ang suporta sa ilalim ng Green Cities, Infrastructure and Energy Programme (GCIEP), kabilang ang Baguio Bulk Water Supply Feasibility Study at ISO 37001 Anti-Bribery Management System Roadmap.
Ayon kay Magalong, makatutulong ang feasibility study sa layunin ng lungsod na magkaroon ng mas maaasahan at matatag na suplay ng tubig, katuwang ang Baguio Water District (BWD) at iba pang development partners.
Target ng proyekto na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa humigit-kumulang 260,000 residente, habang sinusuportahan ang paglago ng lungsod.
Samantala, inaasahang magpapalakas naman ang anti-bribery roadmap sa transparency, accountability at good governance sa pamahalaang lungsod.











