Naniniwala ang isang konsehal at abogado sa Baguio City na hindi dapat ituring na fixed ang 16 na boto bilang threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor Atty. Edison Bilog, sinabi niyang dapat ikonsidera ang bilang ng mga senador na aktuwal na nakikilahok at bumoboto sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag ni Bilog na may isang senador na hindi umano nakikilahok sa mga deliberasyon dahil nasa ibang bansa at hindi alam kung kailan makababalik.
Mayroon din umanong dalawang senador na suspended kaugnay ng mga kasong anti-graft at plunder.
Ayon kay Bilog, hindi umano makatarungan na isama sa bilang ng mga boboto ang mga senador na hindi nakikilahok sa mga deliberasyon, kabilang ang mga hindi nakaboboto sa mga mosyon ng prosecution, defense at kanilang mga kapwa senador na nagsisilbing co-judges.
May isa rin umanong senador na may karamdaman at nasa ibang bansa, kaya hindi nakikilahok sa mga pagdinig at hindi nasusubaybayan ang testimonya ng mga witness at mga mosyon sa impeachment trial.
Dahil dito, sinabi ni Bilog na kailangang pag-aralan kung ang two-thirds voting requirement ay dapat ibatay sa kabuuang 24 na senador o sa bilang lamang ng mga aktuwal na nakikilahok at bumoboto.
Aniya, kung 20 senador lamang ang aktuwal na nakikilahok, maaaring mas mababa sa 16 ang bilang ng boto na kakailanganin para sa conviction, depende sa magiging legal na interpretasyon sa requirement na two-thirds.
Dagdag pa ni Bilog, dapat sana ay naging mas malinaw sa mga constitutional framers kung fixed ba talaga ang bilang na 16, lalo na’t ang nakasaad sa Konstitusyon ay two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Para kay Bilog, maaaring magbago ang voting threshold depende sa circumstances at sa bilang ng mga aktuwal na nakikilahok sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag din niya na ang impeachment ay isang paraan ng accountability para sa mga public official.
Iginiit ni Bilog na kailangang pag-aralan ang interpretasyon sa two-thirds requirement at kung dapat lamang isama sa computation ang mga senador na aktuwal na nakikilahok at bumoboto sa impeachment trial.





