BOLINEY, ABRA — Nasawi ang isang 69-anyos na South Korean missionary at isang Filipino pastor matapos tangayin ng malakas na agos ng Ikmin River sa Boliney, Abra nitong Huwebes.
Kinilala ang mga biktima na sina Hye Sook Byeon, 69, isang missionary mula South Korea, at Pastor Zosimo Gaano, 49, ng Jesus Our Banner Church.
Ayon sa pamahalaang bayan ng Boliney, tinangay ng malakas na agos si Byeon sa Sitio Bani, Barangay Poblacion, noong Setyembre 25.
Nang tangkain umano ni Gaano na iligtas si Byeon, tinangay rin siya ng malakas na agos at naanod sa ilog.
Agad namang isinagawa ang search and retrieval operation sa pangunguna ni Boliney Mayor Ronald S. Balao-as, na siya ring chairperson ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.
Lumahok sa operasyon ang mga responder mula sa Boliney Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Health Office, Boliney Police Station, 17th Infantry Battalion, 2nd Abra Provincial Mobile Force Company, at Bureau of Fire Protection.
Narekober ang katawan ni Byeon bandang 2:39 ng hapon sa Sitio Paak, habang natagpuan naman ang katawan ni Gaano bandang 6:30 ng gabi sa Bantay, Sallapadan, Abra, ayon sa mga awtoridad.
Nakibahagi rin sa search operation ang mga residente mula sa walong barangay ng Boliney sa kabila ng malakas na ulan, matarik na lugar, at mapanganib na kondisyon ng ilog.
Ayon sa pamahalaang bayan, ipinakita ng pagtutulungan ng komunidad ang diwa ng mafaagan at binnadang, o ang katutubong tradisyon ng pagtutulungan at pagtulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan.











