Labis ang galak na nararamdaman hanggang ngayon ni Adelaida “Adel” Guia matapos niyang makuha ang Guinness World Records title para sa pinakamalaking mandalang ginawa gamit ang crochet ng isang indibidwal.
Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo, ibinahagi ni Guia na hindi niya alam kung iiyak o tatalon sa tuwa nang malaman niyang nakamit niya ang rekord. Aniya, napasigaw na lamang siya sa kanyang asawa dahil sa labis na saya sa kanyang nakamit.
Ang kanyang crochet mandala, na tinawag niyang “Wishing Star,” ay may sukat na 28.03 metro kuwadrado, halos anim na metro ang diyametro, at tumitimbang ng humigit-kumulang 32 kilo.
Opisyal na sinukat ang artwork sa Mount Camisong noong Enero, habang natanggap naman ni Guia ang kumpirmasyon mula sa Guinness World Records noong Setyembre 17.
Ayon kay Guia, ilang buwan siyang naghintay para sa kumpirmasyon at inilarawan niya ang pagkilala bilang isang sandali ng kagalakan at pasasalamat.
Sinabi rin ni Guia na natapos niya ang mandala sa loob lamang ng halos isang buwan at pinursige ang pagkamit ng Guinness World Records title upang maitaguyod at maipakita ang sining at husay ng mga Pilipino sa industriya ng handicraft.
Nagpasalamat din si Guia sa mga indibidwal na tumulong sa pagdodokumento at pagsaksi sa kanyang pagtatangka para sa rekord.
Samantala, binati ni Department of Tourism-Cordillera Administrative Region (DOT-CAR) Regional Director Jovita Ganongan si Guia sa kanyang tagumpay.
Ayon kay Ganongan, ipinapakita ng pagkamit ni Guia ng Guinness World Records title ang mahalagang papel ng pagkamalikhain sa pagpapalakas ng pagmamalaki sa komunidad, pagbibigay-inspirasyon, at pagpapatibay ng pagkakakilanlan, lalo na sa konteksto ng pagkilala sa Baguio City bilang UNESCO Creative City of Crafts and Folk Art.
Sa ngayon, naka-display ang pinakamalaking mandalang ginawa ng isang indibidwal at iba pang gawang-kamay ni Guia sa Mount Camisong Forest Park and Event Place sa Itogon, Benguet.










