--Ads--

Naiulat ang lalaking nasa legal na edad at residente ng Imus, Cavite sa stasyon ng pulisya matapos umanong mabigong magbayad sa kanilang tinuluyang accommodation sa Baguio City.

Ayon sa ulat ng pulisya, personal na nagtungo sa himpilan ang isang 40-anyos na babae, isang on-call cleaner at residente ng isang subdivision sa Km. 6, Asin Road, Tadiangan, Tuba, Benguet, upang i-report ang insidente na naganap sa isang condominium sa Upper Mabini Street, Baguio City, kamakailan.

Ayon sa babae, nag-book ang lalaki ng dalawang kuwarto noong Oktubre 3 para sa kanilang grupo.

Hindi umano siya humingi ng deposito at hindi rin nagpa-photocopy ng mga identification card ng mga nag-book.

Dalawang kuwarto ang inokupa ng lalaki at ng kanyang mga kasama. Nagbayad umano sila para sa isang kuwarto at nangako ang lalaki na babayaran ang ikalawang kuwarto kinabukasan.

Subalit nang magtungo ang desk officer sa nasabing kuwarto upang maningil, wala na siyang nadatnang tao.

Ayon sa ulat, nag-check out ang grupo at umalis sakay ng dalawang sasakyan nang hindi nababayaran ang ikalawang kuwarto.

Sinubukan ng desk officer na kontakin ang grupo, partikular ang lalaki, subalit hindi umano ito nagtagumpay.

Dahil dito, nagtungo siya sa police station upang i-report ang insidente para sa kaukulang dokumentasyon. | via Bombo Noveh Organo