Bahagyang tumaas ang paggamit ng condom sa Baguio City matapos ilunsad ang Namnama Clinic sa Baguio Convention and Cultural Center, ayon sa City Health Services Office (CHSO).
Ayon kay CHSO Medical Officer IV Dr. Clement Bilalat, nananatiling hamon ang limitadong access at stigma sa pamamahagi ng condom. Sa ngayon, makakakuha nito sa mga health center, private clinic at sa convention center.
Sinabi rin ni Bilalat na maaaring makaapekto ang pag-inom ng alak sa condom use. Tinatayang 40% hanggang 50% ang gumagamit ng condom kapag walang alcohol, ngunit bumababa ito ng humigit-kumulang 10% kapag nakainom.
Layunin ng programa, na nagsimula noong Abril, na makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng HIV at iba pang sexually transmitted infections (STIs), gayundin sa hindi planadong pagbubuntis.
Binigyang-diin din ng CHSO ang kahalagahan ng sex education sa mga paaralan at unibersidad, kabilang ang reproductive at sexual health awareness.
Hinikayat ni Bilalat ang kabataan, lalo na ang mga sexually active, na gamitin ang libreng condom, check-up, laboratory tests at gamot na iniaalok ng pamahalaan upang makatulong na maiwasan ang STI at teenage pregnancy.











