--Ads--

Sugatan ang isang 30-anyos na waitress matapos umanong bugbugin at saksakin ng isang 42-anyos na lalaking karpintero at residente ng Middle East Quirino Hill, Baguio City.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente habang umiinom ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa bar kung saan siya nagtatrabaho.

Habang nakainom na ang biktima, narinig umano niya ang suspek na sumisigaw at nagtatanong kung sino ang naghagis ng kanyang sapatos.

Sumagot ang biktima na hindi niya alam.

Samantala, sinabi naman ng isang 41-anyos na babae, na isa ring waitress at siyang nagseserbisyo sa mesa ng suspek, na siya ang naghagis ng sapatos.

Gayunman, bigla umanong sinuntok at binugbog ng suspek ang biktima sa mukha, na nagdulot ng mga sugat sa kanyang ilong at labi.

Ayon sa biktima, wala umano siyang ginawang masama laban sa suspek.

Matapos ang insidente, umalis umano sa lugar ang may-ari ng bar bago nakipag-ugnayan sa pulisya.

Dinala sa istasyon ng pulisya ang magkabilang panig para sa kaukulang dokumentasyon.

Pinayuhan din ang biktima na sumailalim sa medico-legal examination at magpagamot.

Sa pinakahuling ulat ng pulisya, naendorso na ang kaso sa kinauukulang barangay para sa nararapat na aksyon.