Iniimbestigahan ng La Trinidad Municipal Police Station (LTMPS) ang isang bagong kaso ng umano’y bullying sa Pico, La Trinidad, Benguet na kinasasangkutan ng mga menor de edad na babae at kumalat sa social media.
Ayon kay PLTCOL Elpidio P. Pagoy, Officer-in-Charge ng La Trinidad Municipal Police Station, naganap ang insidente noong Setyembre 18 ng taong ito.
Batay sa paunang imbestigasyon, walo ang sangkot sa insidente, kabilang ang biktima. Sila ay nasa edad 13 hanggang 14 at magkakaklase.
Pito sa kanila, kabilang ang biktima, ay mula sa Baguio City, habang ang isa naman ay mula sa munisipalidad ng La Trinidad.
Sinabi ni PLTCOL Pagoy na bandang alas-4:00 ng hapon noong Setyembre 18, matapos ang klase, inanyayahan umano ng isa sa mga sangkot ang biktima na maglakad-lakad sa isang subdivision sa Pico, La Trinidad ngunit may mga iba palang kasamahan ang nag-aya sa biktima.
Nag-selfie pa umano ang mga ito bago biglang sinaktan ang biktima.
Idinagdag ng opisyal na ang mga sangkot ay magkakaibigan sa paaralan.
Samantala, sumailalim sa medikal na pagsusuri ang biktima matapos maghain ng reklamo ang kanyang pamilya noong October 5.
Inendorso na ang insidente sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa nararapat na interbensyon.
Nagsagawa na rin ng pagpupulong sa pagitan ng dalawang panig sa mismong paaralan kaugnay ng insidente.
Ipinaliwanag ni PLTCOL Pagoy na bagama’t mga menor de edad ang mga sangkot, apektado rin ang kani-kanilang pamilya.
Pinaalalahanan din niya ang mga magulang at kamag-anak na bantayan at gabayan ang mga bata upang maiwasan ang pagkakasangkot nila sa mga katulad na insidente sa hinaharap.
Samantala, kinumpirma ng Pinget National High School na nagsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon kaugnay ng nasabing insidente.
Katuwang ng paaralan sa imbestigasyon ang Child Protection Committee, na binubuo ng School Head bilang chairperson, Learner Formation Officer, kinatawan ng mga guro, kinatawan ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG), kinatawan ng School Parent-Teacher Association (SPTA), at kinatawan mula sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC).
Hindi na rin ito ang unang insidente ng bullying na kinasasangkutan ng mga estudyante ng Pinget National High School. Noong nakaraang buwan, mayroon ding naitalang katulad na kaso na kinasasangkutan naman ng mga lalaking estudyante ng nasabing paaralan.











