Ibinahagi ng isang actor mula rehiyon Cordillera na unti-unting umuunlad ang kaniyang karera sa telebisyon at patuloy na dumarami ang mga oportunidad na dumarating sa kaniya sa industriya ng showbiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Sandex Gavin, isang Viva actor, sinabi niyang nagsimula ang kaniyang paglalakbay sa showbiz nang sumali siya sa isang kilalang singing competition sa telebisyon. Dito siya unang nadiskubre, na kalaunan ay nagbukas ng pintuan para sa kaniyang pagpasok sa acting career.
Aminado si Gavin na hindi naging madali ang kaniyang paglipat mula sa pagiging contestant tungo sa pag-arte. Ayon sa kaniya, ang hangarin lamang niya noon ay makasali sa telebisyon at maipakita ang kaniyang talento, nang walang tiyak na inaasahan kung siya ba ay magtatagumpay o mabibigo.
Hindi rin niya inasahan na mabibigyan siya ng pagkakataong pumasok sa acting industry. Sa ngayon, madalas siyang ikinukumpara sa yumaong aktor na si Marky Cielo, na para sa kaniya ay isang malaking karangalan.
Inamin din niya ang malalaking pagbabagong kinailangan niyang pagdaanan nang lumipat siya mula probinsya patungong lungsod, kabilang ang pag-aadjust sa mabilis na takbo ng buhay, matinding trapiko, at pakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao. Ayon sa kaniya, mahalagang maging maingat sa pagpili ng mga taong pakikisamahan.
Ibinahagi rin niya na dumaan siya sa mga personal development programs upang mas mapabuti ang kaniyang pakikisalamuha at komunikasyon sa ibang tao. Malaki raw ang naging tulong ng mga programang ito sa kaniyang personalidad at propesyonal na paglago.
Pagdating sa pag-arte, sinabi niyang nahirapan siya sa simula, lalo na dahil dala pa rin niya ang Ilocano accent na minsang napapansin sa set. Gayunman, tinanggap ito ng kaniyang mga kasama at kalaunan ay natuto rin siyang paghusayin ang kaniyang acting technique.
Aminado rin siya na mas mahirap para sa kaniya ang pag-arte kaysa sa pagkanta.
Sa hinaharap, layunin niyang maging isang lead actor at makakuha pa ng mas maraming proyekto sa industriya.
Wala rin umano siyang naranasang diskriminasyon mula sa kaniyang mga kasamahan sa showbiz. Sa halip, ayon sa kaniya, mas curious pa ang mga ito sa kaniyang pinagmulan sa Cordillera.
Sa huli, nagbigay siya ng mensahe sa mga nagnanais pumasok sa showbiz: huwag sumuko sa pangarap, ipagpatuloy ang pagsisikap, at huwag mawalan ng pag-asa.











