BAGUIO CITY — Nakatakdang isagawa bukas sa lungsod ang AIDS Candle Lighting na may temang “Light the Legacy. Remember, Advance and Act,” bilang bahagi ng kampanya laban sa HIV/AIDS at paggunita sa mga apektado ng sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang-diin ni Dr. Celia Flor Brillantes, head ng City Health Services Office, ang kahalagahan ng aktibidad bilang isang mahalagang usaping pangkalusugan o public health concern.
Ayon sa kanya, mahalagang matiyak ang agarang paggamot ng mga indibidwal na may HIV upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon sa iba. Aniya, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pag-inom ng gamot upang mapanatili ang kondisyon at mapababa ang posibilidad ng transmisyon.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na nananatiling nakakaalarma ang HIV sa Baguio City dahil patuloy ang pagtaas ng kaso sa loob ng nakalipas na tatlong dekada, at hindi pa rin ito natitigil bilang isang epidemic.
Gayunman, sinabi niyang nagpapatuloy ang mga programa at hakbang ng lungsod upang tugunan ang suliranin, kabilang ang mga serbisyong bukas para sa parehong mga residente ng Baguio at mga mula sa ibang lugar.
Ayon pa kay Dr. Brillantes, isa sa mga posibleng dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang hindi ligtas na sexual practices, kabilang ang pakikipagtalik nang walang proteksyon at pagkakaroon ng maraming sexual partners. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng responsableng desisyon, monogamous na relasyon, at pag-iwas kung hindi pa handa.
Dagdag pa niya, mahalagang maunawaan ng publiko ang mga panganib at kahihinatnan ng hindi ligtas na pakikipagtalik upang maiwasan ang pagkalat ng HIV at iba pang sexually transmitted infections.











