ITOGON, BENGUET – Isang ama ang namatay matapos ma-trap sa kanyang nasusunog na bahay sa Sitio Bay-o, Tuding, Itogon, kaninang madaling araw.
Nakilala ang biktima na si Felino Balalong Sr., 84-anyos habang ang kanyang asawa naman na si Romana Balalong, 64-anyos ay nagtamo ng first-degree burn at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni SFO2 Brian Esteban ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Itogon, na nakatanggap sila ng tawag bandang alas-dos ng hatingabi ukol sa isang nasusunog na bahay.
Agad silang nagsagawa ng rescue operations, ngunit dahil sa malayong lokasyon ng bahay, ganap nang natupok ang kabuuan nito bago pa sila nakarating.
Ayon pa kay Esteban, napag-alaman sa kanilang imbestigasyon na ang biktima ay nagluto gamit ang kanyang electric stove, na naging sanhi ng short circuit dulot ng overloading.
Ang nasabing one-storey house ay gawa sa magagaan na materyales, kaya’t mabilis kumalat ang apoy.
Nailabas ng biktima ang kanyang asawa, ngunit bumalik siya sa loob ng bahay at doon na siya na-trap.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng danyos dulot ng sunog.