Itinapon ng mga magsasaka ang kanilang mga repolyo at karot sa gilid ng Labey-Lacamen Road sa Tublay, Benguet noong Linggo, Agosto 16, dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng gulay at kakulangan ng mga bumibili sa kanilang ani.
Ayon sa ilang magsasaka, malaki ang ibinagsak ng presyo ng kanilang mga produkto habang kakaunti na lamang ang mga mamimili. Sa ilang pagkakataon, tuluyan na ring tumigil ang mga buyer sa pagkuha ng kanilang ani.
Sinabi ng mga magsasaka na hindi na rin praktikal na dalhin pa ang kanilang mga gulay sa mga trading center sa La Trinidad dahil madaragdagan lamang ang kanilang gastusin, lalo na sa pamasahe at transportasyon.
Dahil dito, minabuti na lamang nilang itapon ang kanilang mga ani kaysa gumastos pa sa pagdadala ng mga ito sa trading centers nang walang katiyakang mabebenta.
Kasabay nito, nanawagan ng tulong ang mga magsasaka dahil patuloy ding nakaaapekto sa kanilang kabuhayan at produksyon ng gulay ang sunod-sunod na malalakas na pag-ulan.
Ang Benguet ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng gulay sa Luzon, na tinatayang nagsusuplay ng 70 hanggang 80 porsiyento ng pangangailangan sa rehiyon, kabilang ang Metro Manila.
Para sa maraming magsasaka sa lalawigan, ang pagbebenta ng kanilang mga pananim ang pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.











