Baguio City – Anim na empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Baguio City District Engineering Office ang naisyu-an ng Show-Cause Order dahil sa umano’y pakikilahok sa rigging o manipulasyon ng bidding process para sa mga proyekto ng imprastruktura sa lungsod. Ayon sa DPWH, ang nasabing manipulasyon ay isinasagawa kapalit ng isa hanggang tatlong porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto.
Kabilang sa mga inisyu-an ng kautusan ang sumusunod:
- Rene Zarate, District Engineer
- Cesario Rillera, Chief ng Planning and Design Section
- Nora Delos Santos, Chief ng Maintenance Section
- Jessie Ramos, Engineer II, Planning and Design Section
- Frances Vincent Saloria, Engineer II, Planning and Design Section
- Frigilda Legaspi, Administrative Officer II
Batay sa imbestigasyon, ang umano’y manipulasyon ay ginawa upang paboran ang ilang kontraktor o kumpanya na ginagamit bilang “dummy” ng mga asawa at miyembro ng pamilya ng ilang empleyado ng DEO.
Partikular na nabanggit ang Goldrich Construction and Trading, na diumano’y nakinabang nang paulit-ulit, nakakamit ang 67 porsyento ng kabuuang pondo para sa mga proyekto ng Baguio City DEO mula 2022 hanggang 2025. Hindi kabilang rito ang mga proyektong inaward sa Tango-Romeo General Construction, na pinaniniwalaang co-owned o dummy ng nasabing kontraktor.
Ayon sa DPWH, ang alegasyon ay seryosong usapin na maaaring lumabag sa umiiral na batas, regulasyon, at kautusan, kabilang ang mga probisyon ng Section 63, Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
Sa ilalim ng Rule 4, Section 22 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, inutos sa mga inisyu-an ang pagsumite ng nakasulat na paliwanag sa ilalim ng panunumpa sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng kautusan, bilang dahilan kung bakit hindi dapat isampa laban sa kanila ang administratibong kaso.
Ayon kay Vince Dizon, Secretary ng DPWH, ang hindi pagsusumite ng paliwanag sa itinakdang panahon ay ituturing na pagwawaksi sa karapatan na magpaliwanag, at ang opisina ay magreresolba ng kaso batay sa umiiral na tala at ebidensya.