--Ads--

Kinumpirma ni Samuel Egsaen Jr., Assistant Schools Division Superintendent ng Department of Education – Benguet, na nakatatanggap ang mga paaralan sa Benguet ng mga reklamo kaugnay ng bullying.

Aniya, kabilang sa mga naitatalang kaso ang gender-based, pisikal, at cyberbullying. Ipinaliwanag din niya na agad itong tinutugunan sa pamamagitan ng mga Child Protection Committee na binuo sa bawat paaralan.

Kaugnay naman ng umano’y kaso ng bullying sa Itogon, sinabi ni Egsaen Jr. na wala pa siyang sapat na detalye tungkol sa insidente. Hiniling niya sa punong-guro ng paaralan na magsumite ng opisyal na ulat upang masusing maimbestigahan ang pangyayari.

Dagdag pa niya, mahalagang i-activate at i-maximize ng mga school head ang Child Protection Committee upang maayos na matugunan ang mga kaso ng bullying sa kanilang mga paaralan. Binanggit din niya na ang pinakamabigat na parusa sa mga mapatutunayang bully ay ang pagpapatalsik sa paaralan, alinsunod sa Anti-Bullying Act of 2013.

Hinimok din ni Egsaen Jr. ang mga biktima, magulang, pinuno ng paaralan, stakeholder, at ang buong komunidad na makiisa sa pagsubaybay at paggabay sa mga bata at mag-aaral upang mabawasan, at tuluyang mapuksa, ang mga kaso ng pambu-bully sa mga paaralan.