BAGUIO CITY – Bababa ng ₱1 ang pamasahe sa mga traditional jeepney sa Baguio-Benguet matapos ang bagong kasunduan ng mga transport group, kung saan magiging ₱15 na lamang ang voluntary fare rate mula sa dating ₱16.
Kasabay nito, magiging ₱12 naman ang pamasahe ng mga estudyante at senior citizen.
Sa modernized jeepney, magiging ₱17 ang minimum fare para sa mga regular na pasahero, habang ₱14 naman para sa mga estudyante at senior citizen.
Samantala, may karagdagang ₱2 singil para sa bawat “succeeding kilometer” na lalampas sa apat (4) na kilometro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jeepney Federation Baguio-Benguet President Wilson Bumay-et Jr., sinabi nitong napag-usapan at napagkasunduan ang fare adjustment kasama ang mga kinatawan ng LTO, DOTr-Cordillera, CEPMO, City Engineering Office, at City Administrator’s Office.
Ayon kay Bumay-et, ibinatay ang desisyon sa kasalukuyang computation ng presyo ng langis na naging pangunahing konsiderasyon sa pagrebisa ng pamasahe.
Epektibo ang bagong fare adjustment simula Lunes, Hunyo 8, 2026.
Tiniyak din ng opisyal na magrerekomenda sila ng pagsasampa ng sulat sa Land Transportation Office (LTO) laban sa mga lalabag sa napagkasunduan, partikular ang mga patuloy na maniningil ng mas mataas na pamasahe.











