Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang menor de edad na babai na naiulat na nawawala sa Sagada, Mountain Province, limang araw na ang nakalilipas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCapt. Bonifacio Fanged, Chief of Police ng Sagada Municipal Police Station, sinabi nitong nawala ang menor de edad noong Agosto 8 matapos umanong biglang tumakbo patungo sa isang sugarcane plantation.
Ayon kay Fanged, nangyari umano ang insidente matapos silang mag-“happy-happy” kasama ang boyfriend ng biktima.
Bago ito, itinapon umano ng biktima ang kaniyang jacket sa kalsada. Kinuha naman ito ng kaniyang boyfriend at nagtungo sila sa kanilang kaibigan kung saan sila nagpahinga.
Ilang minuto ang lumipas, lumabas umano ang biktima, tumalon sa isang riprap na may taas na humigit-kumulang 5.80 feet, at tumakbo patungo sa sugarcane plantation.
Sinundan naman siya ng kaniyang kaibigan, ngunit bigla na lamang itong nawala at hindi na nila makita kung nasaan ito.
Ipinagpatuloy ng mga kaibigan ang paghahanap sa biktima. Nang hindi nila ito matagpuan, agad nilang ini-report ang insidente sa Sagada Municipal Police Station at sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nagsimula ang search operation noong Agosto 9 at hanggang ngayon ay patuloy ang paghahanap sa biktima. Gayunman, pansamantala munang ititigil ang operasyon dahil sa kahilingan ng mga elders na magsagawa ng ritwal para sa biktima.
Mananatili namang bukas ang command post upang agad na makapag-deploy ng mga tauhan at maipagpatuloy ang search and rescue operation matapos ang ritwal.
Ayon kay Fanged, kabilang sa mga lugar na pinuntahan ng mga rescuer ang mga kalapit na creek, kung saan nakita ang jacket ng biktima.
Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga residente sa lugar kung saan huling nakita ang menor de edad na magsagawa rin ng sariling paghahanap sa kanilang paligid, partikular sa mga residential area at iba pang kalapit na lugar.
Layunin nitong ma-clear ng mga awtoridad ang mga residential area bago palawakin ang paghahanap sa iba pang posibleng lugar kung saan maaaring matagpuan ang biktima.









