--Ads--

TUBA, BENGUET — Tiniyak ni bagong Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na ipagpapatuloy ng ahensya ang mga naunang proyekto at commitment ng kanyang sinundang kalihim na si Vince Dizon, sa kabila ng pagbabago sa pamunuan ng departamento.

Personal na nagtungo ngayong araw si Lopez sa Barangay Taloy Sur, Tuba, Benguet upang inspeksyunin ang naturang kalsada at tiyakin ang kalagayan ng pagsasaayos nito.

Ayon kay Lopez, kailangang ipagpatuloy at tuparin ang mga naunang pangako at commitment sa mga proyektong naantala, sapagkat hindi lamang ito responsibilidad sa Pangulo o sa dating kalihim kundi, higit sa lahat, isang pananagutan sa taumbayan.

Matatandaang binuksan na kahapon, bandang alas-6 ng gabi, ang dalawang lane ng naturang kalsada upang magamit ng mga motorista ngayong paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagsasaayos ng highway bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista at commuter na uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Undas long weekend.