Baguio City — Malaki ang pasasalamat ngayon ng mga atleta at coaches ng Philippine National Team matapos mabigyan ng panibagong anyo at upgrades ang mga sports at training facilities ng Philippine Sports Commission sa National Training Center sa Teachers Camp, Baguio City.
Pormal na pinasinayaan ni Patrick Gregorio ang bagong ayos na track oval na magsisilbing mahalagang pasilidad para sa mga atletang Pilipino na nagsasagawa ng high-altitude training sa Summer Capital of the Philippines.
Ayon kay Gregorio, mahalagang mapabilis ang rehabilitasyon at modernisasyon ng mga sports facilities ng gobyerno upang mas mapalakas ang morale at inspirasyon ng mga atleta habang naghahanda para sa mga nalalapit na kompetisyon.
Para naman kay two-time Olympian boxer na si Nesty Petecio, matagal nang suliranin ng mga atleta ang sirang rubberized track oval kaya malaking bagay ang pagkukumpuni nito upang mas ganado silang magsagawa ng endurance at strengthening exercises.
Masaya rin si Eumir Marcial, Tokyo Olympic bronze medalist, sa patuloy na pagpapaganda ng PSC sa mga training facilities ng gobyerno dahil malaki ang naitutulong nito upang lalo silang maengganyo at mapagbuti pa ang kanilang ensayo.
Ang PSC track oval ay bukas itong gamiting ng publiko na libre mula alas tres ng hapon hanggang alas dies ng gabi.//JTablac










