BAGUIO CITY — Muling kinondena ng City Veterinary and Agriculture Office (CVAO) ang ilegal na dog meat trade matapos mahuli ang isang lalaki na umano’y kumakatay ng tatlong aso sa isang barangay sa lungsod.
Sinabi ni CVAO head Dr. Silardo Bested na patuloy na ipinatutupad ng lungsod ang Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, na nagbabawal sa pagkatay, pagbebenta, pagbibiyahe at pagkain ng karne ng aso.
Ayon kay Bested, binawi na noon ng lungsod ang permits ng ilang establisimyentong napatunayang naghahain ng dog meat at pinaigting na rin ang operasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na kalakalan.
Hinimok ni Mayor Benjamin Magalong ang publiko na iulat ang mga kaso ng pagmamaltrato sa mga hayop.
Samantala, nangako rin si La Trinidad, Benguet Mayor Roderick Awingan na paiigtingin ang kampanya laban sa dog meat trade, kabilang ang posibleng kanselasyon ng business permits ng mga lalabag, kasunod ng reklamong inihain ng animal rights advocate na si Amadeo Degay laban sa dalawang establisimyento na umano’y nagbenta ng karne ng aso.









