--Ads--

Itinanggi ng Baguio-Benguet Jeepney Federation ang anumang nakikitang korapsyon sa kanilang panig sa Department of Transportation o DOTr-Cordillera, kasunod ng alegasyon ni Mar Valbuena, presidente ng transport group na Manibela, tungkol sa umano’y “payolahan” sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay federation president Wilson Bumay-et Jr., sinabi nitong wala silang nakikitang anumang korapsyon sa kanilang pakikipag-ugnayan sa DOTr-CAR kaya’t nagtataka sila sa naturang alegasyon.

Ayon kay Bumay-et, ipararating nila sa mga susunod na araw ang kanilang suporta kay DOTr-CAR Regional Director Dumlao, na aniya ay masipag at madaling lapitan ng mga transport group.

Ibinahagi ni Bumay-et na noong nangangailangan sila ng tulong, naging bukas umano si Dumlao sa kanilang mga concern, kabilang ang usapin sa temporary fare increase.

Nagpasalamat din siya sa regional director dahil nakipag-ugnayan umano ito sa kanila at nakipag-usap kung ano ang maaaring gawin upang matugunan ang kanilang mga hinaing.

Samantala, kinuwestiyon ni Bumay-et ang alegasyon ni Valbuena at hinamon itong ilabas ang mga reklamo o ebidensya kung mayroon man.

Aniya, posibleng may ibang indibidwal na nag-aakusa upang maalis sa puwesto si Dumlao, kaya nararapat umanong maimbestigahan ang usapin upang malaman ang katotohanan.

Sinabi ni Bumay-et na hindi sila naniniwala sa alegasyon ni Valbuena.

Dagdag niya, kung may sapat na basehan ang mga paratang, dapat umanong pormal na magsampa ng reklamo si Valbuena laban kay Dumlao upang maimbestigahan ito sa tamang proseso.