--Ads--

Nalulungkot ang Baguio-Benguet Jeepney Federation dahil inaasahang muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo bukas.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay federation president Wilson Bumay-et Jr., sinabi nitong negatibo para sa mga jeepney driver ang panibagong oil price hike dahil dagdag ito sa kanilang gastusin sa operasyon.

Dahil dito, muli nilang pinag-aaralan ang voluntary fare increase sa Baguio City.

Ayon kay Bumay-et, nakabinbin din ang 12-pesong kada litro fuel subsidy na sana ay matatanggap ng mga driver, ngunit nasuspinde umano dahil sa election ban.

Gayunman, umaasa ang pederasyon na muling makokonsidera ang naturang subsidy.

Nagpadala na rin umano si Bumay-et ng liham kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng pagbabalik ng ETSP o reimbursement sa backload, ngunit wala pa siyang natatanggap na tugon.

Samantala, tungkol naman sa kanilang petisyon para sa taas-pasahe, sinabi ni Bumay-et na wala pa umanong desisyon mula sa LTFRB dahil nasa Malacañang pa ang usapin.

Ayon sa kanya, marami na ring jeepney driver ang nagtatanong kung ano ang kanilang gagawing hakbang sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sinabi ni Bumay-et na patuloy nilang ginagawa ang kanilang makakaya upang matulungan ang mga driver.

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga commuter na patuloy na suportahan at unawain ang kalagayan ng mga jeepney driver, lalo na sa harap ng tumataas na gastos sa operasyon.