--Ads--

Namayagpag ang Baguio City at Ifugao sa kani-kanilang kategorya sa football tournament, kung saan ipinakita ng mga batang atleta ang kanilang husay, dedikasyon, at sportsmanship sa katatapos na Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet 2025.

Sa kategoryang elementarya, hindi natinag ang Ifugao, matapos nilang masungkit ang gintong medalya sa pamamagitan ng kanilang matibay na depensa at opensa.

Sinubukan ng Baguio na makahabol ngunit nagtapos sa pilak, habang tanso naman ang nakuha ng Benguet matapos ang kanilang matapang na laban.

Samantala, sa kategoryang sekondarya, bumawi ang Baguio at itinanghal na kampeon matapos ang isang mahusay na laban.

Hindi naman nagpakabog ang Ifugao, ngunit kinailangan nilang makuntento sa pilak, habang tanso muli ang nakuha ng Benguet matapos ang isang matinding sagupaan.

Ayon sa mga coach, hindi lamang isang kompetisyon ang kanilang pinaghandaan, kundi isang mas malawak na paghahanda para sa hinaharap ng kanilang mga atleta.

Ibinahagi nila ang patuloy na pagsasanay at paglahok sa iba’t ibang torneo, na siyang nagbigay ng kalamangan sa kanilang mga manlalaro.

Bukod sa husay sa laro, binibigyang-pansin din ng mga coach ang paghubog sa kanilang mga atleta bilang mabubuting indibidwal na may disiplina at karakter—mga aral na kanilang madadala habangbuhay.

Sa ngayon ay paghahandaan na ng team Ifugao at Baguio sa nalalapit na Palarong Pambansa.//Bombo Local News Correspondent Jonel Vasadre