Hinihikayat ang lahat ng empleyado ng pamahalaang lungsod, mga bisita, at residenteng pupunta sa Baguio City Hall sa Abril 22, 2026 na gumamit ng pampublikong transportasyon, maglakad, o magbisikleta dahil isasagawa ang “Carless Day.”
Bahagi ito ng pinalakas na paggunita sa Earth Day, ayon sa Memorandum No. 66, serye ng 2026 na inilabas ni Mayor Benjamin B. Magalong.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na nakaaapekto sa lungsod, binigyang-diin ng alkalde na ang carless day ay hindi lamang isang hakbang pangkalikasan kundi isa ring praktikal na tugon sa kasalukuyang hamon sa enerhiya at ekonomiya. Layunin nitong bawasan ang konsumo ng gasolina at itaguyod ang paggamit ng mas sustainable na paraan ng transportasyon.
Mahigpit na hinihikayat ang paggamit ng alternatibong transportasyon tulad ng paglalakad, pagbibisikleta, carpooling, at pampublikong sasakyan para sa mga pupunta sa City Hall sa nasabing petsa. Layunin ng hakbang na ito na mabawasan ang carbon emissions, mapababa ang pagdepende sa fossil fuels, maibsan ang trapiko, at ipakita ang paninindigan ng lungsod para sa pangangalaga sa kalikasan at sustainability.
Ang tema ng Earth Day ngayong taon ay “Our Power, Our Planet,” na naglalayong palakasin ang kamalayan sa kalikasan, itaguyod ang sustainable na pamumuhay, at hikayatin ang sama-samang pagkilos laban sa climate change, polusyon sa hangin, at pagkaubos ng likas na yaman.











