--Ads--

Kinumpirma ni Dr. Celia Flor Brillantes ng Baguio City Health Office na mayroon pa ring naitatala na kaso ng superflu sa Baguio City. Gayunman, naghihintay pa rin sila ng mas detalyadong impormasyon mula sa kinauukulang tanggapan. Ayon sa kanya, may buwanang talaan ng mga kaso ngunit nananatili itong minimal. Hindi rin siya direktang sumagot kung nakakaalarma na ang sitwasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ng opisyal na ang superflu ay mas malala at mas mapanganib kaysa sa karaniwang trangkaso. Ito ay tumutukoy sa isang bagong strain na mas mabilis kumalat o may mas mataas na panganib sa buhay ng isang tao. Dahil dito, muli niyang hinimok ang publiko na maging maingat sa lahat ng oras.

Samantala, ipinaliwanag din ng opisyal ang tungkol sa Nipah virus na kasalukuyang laganap sa ilang bansa. Ang sakit na ito ay isang zoonotic virus, na nangangahulugang maaari itong maipasa mula sa hayop patungo sa tao, at maaari ring maipasa mula sa tao patungo sa tao.

Kabilang sa mga hayop na maaaring magdala ng virus ang mga paniki, baboy, at iba pa. Ang paghahatid nito ay sa pamamagitan ng direktang kontak sa laway, mucus, o dumi ng mga nahawaang hayop, partikular ang mga paniki.

Ayon sa opisyal, ang Nipah virus ay may mataas na fatality rate na umaabot sa 40 hanggang 75 porsiyento. Ang mga sintomas nito ay maaaring magsimula tulad ng trangkaso, kabilang ang lagnat, sakit ng ulo, at ubo. Sa mas malalang kaso, maaari itong humantong sa encephalitis, pagkahilo, seizure, at coma.