Idineklara ni Mayor Benjamin Magalong ang Hulyo 12 ng bawat taon bilang West Philippine Sea (WPS) Awareness Day sa lungsod bilang suporta sa pagpapalawak ng kamalayan ng publiko sa karapatan ng bansa sa karagatan.
Ayon sa Baguio City Public Information Office, inaprubahan ng alkalde ang City Council Resolution No. 546, series of 2026, na nagtatakda ng taunang paggunita kaugnay ng anibersaryo ng 2016 Arbitral Award sa isyu ng West Philippine Sea.
Itatampok sa paggunita ang mga programang pang-impormasyon, edukasyon, at sibikong aktibidad tulad ng mga forum, talakayan sa paaralan at komunidad, at pagpapalaganap ng mga materyales hinggil sa usapin. Hindi ito ituturing na special working o non-working holiday.
Nagkakaisang inaprubahan ng City Council ang resolusyon noong Hunyo 22. Layunin nitong iayon ang mga aktibidad ng lungsod sa pambansang kampanya para sa kamalayan sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan.











