Magsasagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Baguio ng kauna-unahang taunang paggunita sa 1990 Luzon earthquake ngayong Hulyo 16, bilang pag-alala sa mga nasawi at pagpapatibay ng kamalayan sa kahandaan sa sakuna.
Pangungunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang programa na magsisimula alas-8:30 ng umaga sa City Hall Park, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.
Noong Hulyo 16, 1990, yumanig ang magnitude 7.8 na lindol sa Gitna at Hilagang Luzon. Bagama’t hindi sentro ng lindol ang Baguio, ito ang isa sa mga lungsod na pinakamatinding napinsala, na ikinasawi ng daan-daang katao at sumira sa maraming gusali, tahanan, at imprastraktura.
Ayon sa CDRRMO, isasagawa na taon-taon ang paggunita upang mapanatili ang mga aral mula sa trahedya at higit pang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa disaster preparedness, risk reduction, at community resilience.
Dadalo sa programa sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Baguio Rep. Mauricio Domogan, kasama ang iba pang opisyal at mga katuwang ng pamahalaan.











