--Ads--

Lumalabas na mas mahigpit ang pagpapatupad ng anti-smoking campaign sa Baguio City kumpara sa ilang lugar sa Pilipinas.

Kasunod ito ng pagkakamit ng Baguio ng Gold Award sa 2nd ASEAN Smoke-free Awards na ginanap sa ASEAN Health Ministers Meeting sa Melaka, Malaysia, na pinangunahan ng Malaysia Ministry of Health.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Daryl Kim T. Longid, Chief ng Public Order and Safety Division o POSD ng Baguio City, sinabi niyang dati ay mas kilala ang Davao City sa mahigpit na pagpapatupad ng anti-smoking campaign.

Gayunman, aniya, lumalabas na ngayon na nasa ganoon na ring antas ang Baguio, kung saan ramdam ng mga residente at bisita ang consistent na pagpapatupad ng smoke-free policy.

Ayon kay Longid, isa sa mga pangunahing tinitingnan sa pagbibigay ng award ang aktuwal na pagpapatupad ng polisiya.

Aniya, kahit gaano kaganda ang isang polisiya, kung hindi naman ito maayos na naipatutupad, wala rin itong silbi.

Kabilang umano sa key indicators ang enforcement ng polisiya at political will, gayundin ang information, education and communication o IEC campaign sa mga komunidad upang maipaliwanag ang layunin ng anti-smoking policy.

Inamin naman ni Longid na mayroon pa ring mga lumalabag sa smoke-free regulations sa lungsod.

Gayunman, sinabi niyang patuloy na nasa tamang direksyon ang Baguio dahil nakabatay ang pagpapatupad nito sa mga datos at ebidensya.

Ayon pa sa opisyal, may ilang local government units na ring kumukuha ng Baguio bilang benchmark sa paggawa at pagpapatupad ng kanilang mga smoke-free ordinance, lalo na mula nang ipatupad ang mga polisiya ng lungsod noong 2022.

Ibinabahagi rin umano nila sa ibang LGU ang mga maaaring pagbabago sa kanilang mga polisiya, partikular na sa usapin ng vape.

Binigyang-diin ni Longid na hindi kayang gawin ng enforcement personnel lamang ang pagpapatupad ng smoke-free policy.

Mahalaga rin umano ang suporta ng mga volunteer at ng buong komunidad dahil hindi naman aniya present ang mga enforcement personnel sa lahat ng oras at lugar.

Dahil dito, malaking tulong ang pakikilahok ng publiko upang mapanatili ang mahigpit at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng anti-smoking campaign sa lungsod.