BAGUIO CITY – Kinumpirma ni Mayor Benjamin Magalong na isang gambling den ang tinamaan ng improvised explosive device sa Magsaysay Avenue, Baguio City, kahapon ng madaling araw, Abril 13, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na batay sa resulta ng imbestigasyon ng Baguio City Police Office, bago ang insidente, isang minero ang nambastos sa isang caretaker ng snack house sa naturang lugar, kaya binugbog siya ng ilang kalalakihan.
Umalis umano ang suspek at nang bumalik ay may dala siyang container na kanyang itinapon, kung saan nagkataon namang isang gambling den na nagpapalaro ng drop ball, malapit sa snack house, ang tinamaan.
Aabot sa 14 na katao ang nasugatan, ngunit lahat ng mga ito ay nagtamo lamang ng minor injuries kaya agad din silang nakalabas sa pagamutan.
AVC MAGALONG 1
Ayon kay Magalong, itinuring nang case closed ang insidente dahil nasampahan na ang suspek ng kasong acts of lasciviousness at frustrated murder.
Kaugnay nito, iniutos niya sa Baguio City Police Office na tiyakin na hindi na makakabalik sa operasyon ang naturang gambling den at bantayan ang iba pang mga kahalintulad na establisimyento sa lungsod.
Iginiit naman ni Magalong na walang naganap na terrorism act dahil ang insidente ay isang isolated case lamang.
AVC MAGALONG 2











