--Ads--

BAGUIO CITY – Nakakuha ang pamahalaang panlungsod ng Original Certificates of Title (OCTs) para sa walo pang pampublikong ari-arian bilang bahagi ng patuloy nitong programa upang maprotektahan at mapagtibay ang pagmamay-ari ng mga lupang ginagamit para sa mga serbisyong pampubliko.

Ayon kay Ma. Guadalupe Della, officer-in-charge ng General Services Office (GSO), pinalalakas ng bagong mga titulo ang pagsisikap ng lungsod na maipatitulo ang lahat ng pag-aari nito sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Anya, isinagawa ng lungsod ang imbentaryo ng mga ari-arian nito upang matukoy ang mga lugar na maaaring gamitin para sa pampublikong layunin, lalo na dahil sa limitadong lupain ng Baguio.

Saklaw ng walong bagong natituluhang ari-arian ang kabuuang 2,097 metro kuwadrado, kabilang ang San Vicente Barangay Hall at Day Care Center, ilang waiting shed, Dap-ay site, Supitan Plaza site, ang City Social Welfare and Development Office, at ang DPS Barangay Hall.

Noong Enero, nakakuha rin ang lungsod ng mga titulo para sa limang iba pang pag-aari ng pamahalaan, habang mahigit isang dekada na ang nakalipas nang maipatitulo ang lupang kinatatayuan ng City Hall.

Ayon kay Della, prayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagpapatitulo ng mga ari-arian nito upang matiyak ang pagmamay-ari at maiwasan ang mga posibleng usaping legal sa hinaharap.