Patuloy ang information, education and communication o IEC campaign ng mga barangay sa Baguio City hinggil sa pagbabayad ng garbage fee.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor at Liga ng mga Barangay Federation President Rocky Aliping, sinabi niyang ongoing na rin ang pagkolekta ng garbage fee sa mga household sa bawat barangay upang makuha ang 50-percent share ng mga barangay.
Ayon kay Aliping, maaaring magbayad ng garbage fee buwan-buwan, quarterly, semi-annually o yearly. May kaukulang discount umano depende sa payment scheme na pipiliin.
Ipinaliwanag ng opisyal na saklaw ng garbage fee ang lahat ng household sa lungsod, kabilang ang mga nagpaparenta at umuupa ng bahay, dahil lahat umano ay nagpo-produce ng basura.
Aniya, noong mga nakaraang taon, karaniwang mga business establishment lamang ang nagbabayad ng garbage fee. Kaya target nilang maitaas ang collection rate sa 80 percent upang makatulong sa pagpopondo ng waste management program ng lungsod.
Tinatayang nasa 90,000 households ang mayroon sa Baguio City. Kung makokolekta ang garbage fee mula sa mga ito, maaaring makalikom ng humigit-kumulang 70 million pesos kada taon. Bukod pa rito ang koleksyon mula sa mga business establishment na maaaring umabot sa 150 million pesos kada taon.
Layunin aniya nitong makatulong na matustusan ang tinatayang 230 hanggang 250 million pesos na taunang gastos ng lungsod para sa solid waste management.
Ipinaliwanag din ni Aliping na ang programa ay nakatuon sa cost recovery at nakaugnay sa mga probisyon ng Republic Act 1003, gayundin sa pagsusulong ng circular economy sa Baguio City.
Kabilang sa mga plano ang pagtatayo ng Material Recovery Facility o MRF sa bawat barangay at distrito, pati na ang isang centralized MRF.
Plano rin nilang humanap ng lugar para sa engineered sanitary landfill, i-renovate at dagdagan ang mga kinakailangang makina at equipment, at i-professionalize ang mga utility at garbage workers upang mas mapabuti ang waste management program.
Bukod dito, nais din nilang magkaroon ng utility worker ang bawat barangay, na bibigyan ng karagdagang honorarium bukod sa stipend mula sa LGU, gayundin ng personal protective equipment o PPE.
Samantala, positibo ang nakikitang resulta ng transition period ng garbage fee implementation mula Setyembre hanggang Disyembre.











