--Ads--

BAGUIO CITY — Pinatitibay ng dalawang pangunahing golf course sa lungsod ang kanilang water conservation measures upang matiyak ang kondisyon ng mga pasilidad sa gitna ng banta ng El Niño bago ang 76th Januarius Fil-Am Invitational Golf Tournament.

Ayon kay Anthony de Leon, general manager ng Baguio Country Club (BCC), mayroon nang contingency plan ang club upang mapanatili ang sapat na suplay ng tubig para sa kanilang 18-hole golf course. Patuloy ding ginagamit ng BCC ang rainwater collection system nito na nag-iipon ng tubig sa tatlong lagoon para sa irigasyon.

Samantala, sinabi ni Eduardo Arguelles, pangulo ng Golf Club Management Corp. na namamahala sa Camp John Hay Golf Course, na gumagamit sila ng 100 porsiyentong treated water mula sa sewerage treatment plant (STP) para sa pagdidilig ng golf course.

Ayon kay Arguelles, tuloy-tuloy ang suplay ng tubig mula sa STP habang may gumagamit sa mga hotel na konektado rito.

Ang BCC at Camp John Hay Golf Course ang magsisilbing co-host ng 76th Januarius Fil-Am Invitational Golf Tournament na gaganapin mula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 12 at inaasahang dadaluhan ng humigit-kumulang 1,400 koponan mula sa Pilipinas at ibang bansa.

Photo courtesy: GolfPass