--Ads--

Ibinahagi ng Baguio representative sa Mr. World Philippines 2026 na si Raymond Paris Cabuco na nakaramdam siya ng matinding pagkadismaya at hiya kaugnay ng naging pahayag ni Brandon Espiritu tungkol sa mga “halfies” sa pageantry.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Cabuco na para sa kanya ay malaking pagkakamali ang minamaliit ang kapwa Pilipino. Ayon pa sa kanya, kapag ang Pilipino ang kinakalaban, handa ang marami na ipagtanggol ito.

Ibinahagi rin niya na bago pa man dumating ang konsepto ng “halfies” sa Pilipinas, marami nang purong Pilipino ang nagwawagi sa iba’t ibang kumpetisyon, kaya’t nagtatanong siya kung saan nanggaling ang ganitong pananaw.

Ayon kay Cabuco, hindi umano napag-isipan nina Brandon Espiritu at Jether Palomo ang naging pahayag nila. Dagdag pa niya, maaaring magsisisi rin ang mga ito dahil sa naging epekto nito sa kanilang reputasyon at karera.

Sa kabila nito, sinabi ni Cabuco na nais pa rin niya ang ikabubuti ng dalawa at ayaw niyang masira ang kanilang buhay dahil sa isang pagkakamali. Gayunman, binigyang-diin niya na mahalaga ang pananagutan sa bawat sinasabi at ginagawa.

“We can be kind but we cannot forget yung mga sinabi nila,” ani Cabuco.

Inamin din niya na nang mabasa niya ang isyu, nag-init ang kanyang emosyon dahil siya ay isang purong Pilipino.

Ayon pa sa kanya, naniniwala siya na kahit “half-blooded” o may halo ang lahi, ang pagiging Pilipino ay nasa puso. Gayunman, para sa international competition, mahalaga umano na ang puso at adhikain ay nakatuon pa rin sa pagre-representa ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, marami ring mahuhusay at guwapong purong Pilipino na maaaring ilaban sa international stage, basta’t may tamang paghahanda, pagpakumbaba, at disiplina.

Giit pa ni Cabuco, dapat manatiling humble at iwasan ang pagiging mayabang, bagay na madalas ding ipinapaalala sa kanya ng kanyang mga handler.

“Eyes above feet on the ground,” ani Cabuco.

Iminungkahi rin niya na mas mabuting magkaroon ng mas masusing screening o pagsusuri sa mga kalahok ng pageantry upang matiyak na karapat-dapat ang mga kumakatawan sa Pilipinas sa international competitions at maiwasan ang mga isyu ng kayabangan at maling pahayag.