--Ads--

BAGUIO CITY — Mahigpit na ipinaalala ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng Smoke-Free Baguio Ordinance na nagbabawal sa anumang uri ng advertisement at promotional activities para sa mga produktong tabako at vape sa lungsod.

Sa ilalim ng Section 5 (O, P, Q, R, at S) ng ordinansa, ipinagbabawal ang paglalagay ng mga patalastas ng tobacco at vape products sa mga sinehan at outdoor advertising spaces, gayundin ang pamamahagi at pagpapakita ng anumang promotional materials tulad ng leaflet, poster, at iba pang display items sa mga establisyementong bawal magbenta ng naturang produkto.

Ipinagbabawal din ang paglalagay ng brand o logo ng tobacco at vape products sa mga punto-de-benta na pinapasukan ng mga menor de edad, gayundin ang pagsasagawa ng mga promo activity, kampanya, event, at product sampling sa mga lugar kung saan hindi pinapayagan ang pagbebenta ng mga ito.

Kasama rin sa ipinagbabawal ang paglalagay ng tobacco at vape products sa open shelves o racks ng mga tindahan.

Bukod dito, binigyang-diin din ang probisyon ng Article 13 ng World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC), na kinabibilangan ng Pilipinas, na nag-uutos ng komprehensibong pagbabawal sa lahat ng uri ng tobacco advertising, promotion, at sponsorship.

Ayon sa mga awtoridad, ang larawang kumakalat na nagpapakita ng tinatawag na “brand stretching” — kung saan ginagamit ang pangalan, logo, o disenyo ng isang tobacco brand sa mga produktong hindi tabako — ay itinuturing na paglabag sa Section Q ng ordinansa.

Lumilitaw din na saklaw ito ng Section N, na nagbabawal sa pagbebenta ng mga kendi, laruan, o iba pang produktong kahawig ng tobacco products na maaaring makahikayat sa mga menor de edad.

Muling nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na sumunod sa Smoke-Free Baguio Ordinance upang maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan, lalo na ng kabataan.