Patuloy na nararanasan ang epekto ng Bagyong Maymay sa Baguio City, lalawigan ng Benguet, at iba pang bahagi ng Cordillera.
Sa Baguio City, patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang City Camp Lagoon sa Lower Rock Quarry dahil sa mataas na panganib ng pagbaha tuwing tag-ulan. Bilang pinakamababang bahagi ng lungsod, dito dumadaloy ang tubig-ulan at mga basurang nagmumula sa iba’t ibang barangay na kadalasang nagiging sanhi ng pagbabara sa mga drainage tunnel.
Nakaantabay ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at City Engineering Office upang bantayan ang sitwasyon at magsagawa ng preemptive evacuation kung kinakailangan.
Mahigpit ding mino-monitor ng mga awtoridad ang Burnham Park kasunod ng abiso ng Baguio City Government na ito lamang ang pampublikong parke na nananatiling bukas sa publiko sa kabila ng patuloy na malakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin dulot ng Bagyong Maymay.
Sa La Trinidad, Benguet, patuloy namang tumataas ang lebel ng tubig sa Balili River.
Umabot na rin hanggang tuhod ang baha sa ilang bahagi ng Strawberry Farm sa La Trinidad. Isang agriculture extension worker mula sa Barangay Betag ang nagsagawa ng inspeksyon sa lugar, kung saan nakita ang pagtaas ng tubig na nakaapekto sa ilang taniman.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala sa mga pananim at ang epekto ng pagbaha sa mga magsasaka.
Nananatili rin sa kanilang mga taniman ang ilang magsasaka upang bantayan ang kanilang mga pananim habang nagpapatuloy ang pag-ulan. May ilang magsasaka na ring nag-ani ng kanilang mga tanim sa kabila ng pananalasa ng bagyo. Ayon sa kanila, napilitan silang mag-harvest upang mailigtas ang kanilang ani, dahil posibleng masira ito kung patuloy na malulubog sa baha o maabutan pa ng malakas na pag-ulan.
Samantala, patuloy ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa Lungsod ng Baguio upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga residente sa gitna ng nararanasang Bagyong Maymay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng Baguio City Police Office (BCPO), sinabi nitong patuloy ang kanilang koordinasyon sa City Peace and Order Council, City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRM) Committee, at sa mga barangay.
Inatasan na rin ang mga tauhan ng PNP na agad iulat sa kanilang headquarters ang anumang namataang nakatagilid o patay na puno upang mabilis itong maikoordina sa lokal na pamahalaan at sa mga ahensyang gaya ng CEPMO, City Engineering Office, at DPWH.
Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na agad ireport ang anumang banta sa buhay at ari-arian upang kaagad itong marespondehan ng mga awtoridad.











