Baguio City- Nagtulungan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund upang palawakin ang oportunidad sa pabahay sa mga pangunahing lugar ng pag-unlad, kung saan unang tinukoy ang humigit-kumulang 14 na ektarya sa New Clark City bilang prayoridad na lugar para sa proyekto.
Sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan noong Oktubre 8, 2026, magtutulungan ang dalawang ahensya sa pagtukoy, pagpaplano, pagpopondo at pagpapatupad ng mga posibleng proyektong pabahay at iba pang pasilidad sa mga lupang pinangangasiwaan ng BCDA.
Kabilang din sa mga posibleng lugar para sa mga susunod na proyekto ang Camp John Hay sa Baguio City, Morong Discovery Park at Poro Point Freeport Zone.
Ayon kay BCDA President at CEO Joshua M. Bingcang, layunin ng pakikipagtulungan na magamit nang produktibo ang mga ari-arian ng pamahalaan at matugunan ang lumalaking pangangailangan sa pabahay kasabay ng pagdami ng mga manggagawa, negosyo at pamumuhunan sa mga lugar na sakop ng kanilang mga proyekto.
Sinabi rin ni Bingcang na susuporta ang hakbang sa programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang access ng mga pamilyang Pilipino sa de-kalidad at abot-kayang mga tahanan, kabilang ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Sa kasalukuyan, may tinatayang 145,000 manggagawa at mahigit 1,200 kumpanyang nagpapatakbo sa Clark Freeport Zone. Inaasahan ding tataas ang pangangailangan sa pabahay at mga pasilidad ng komunidad sa New Clark City dahil sa mga nakaplanong proyekto, kabilang ang advanced manufacturing park sa ilalim ng Pax Silica initiative.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta, pagsasamahin ng partnership ang lupang maibibigay ng BCDA at ang kakayahan ng Pag-IBIG Fund sa pagpopondo at pagpapaunlad ng pabahay upang mas mailapit ang mga tahanan sa pinagtatrabahuhan ng mga Pilipino. Layunin nitong mabawasan ang gastos sa pamasahe at oras sa biyahe, at mabigyan ang mga pamilya ng mas maraming oras na magkakasama.
Magsasagawa muna ang dalawang ahensya ng pagtukoy sa mga posibleng proyekto at paghahanda ng mga plano. Susuriin ng isang Joint Steering Committee ang mga panukala at itatakda ang mga kaayusan sa pagpopondo, konstruksyon, panahon ng pagpapatupad at pamamahala sa mga matatapos na proyekto.
Bukod sa pabahay, layunin din ng kasunduan na mapalawak ang mga serbisyo ng Pag-IBIG Fund sa Central at North Luzon, kabilang ang posibilidad ng pagtatayo ng mga tanggapan nito at iba pang pasilidad. Noong 2025, inilunsad na ng BCDA, Pag-IBIG Fund, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at mga pribadong katuwang ang isang abot-kayang proyektong pabahay sa Capas, Tarlac, na unang maglalaan ng 840 housing units sa loob ng 5.84-ektaryang komunidad.











