Inihayag ng bagong talagang City Director ng Baguio City Police Office o BCPO na pinanatili nito ang deployment ng mga personnel sa mga pangunahing kalsada at matataong lugar upang matiyak ang seguridad ng mga residente at turista, gayundin ang pagmomonitor sa sitwasyon ng trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Police Colonel Nixon Laoyan, City Director ng BCPO, isa sa mga pangunahing hamon ng lungsod ang traffic congestion dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan at turista, lalo na sa mga panahon na maraming aktibidad.
Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang pagbubukas ng Christmas Village sa John Hay at Baguio Country Club, bukod pa sa iba pang mga event sa lungsod.
Dahil dito, sinabi ni Laoyan na kailangan nilang doblehin ang kanilang paghahanda at deployment upang mapanatili ang seguridad ng mga residente at bisita.
Naghahanda na rin umano ang BCPO para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day. Nagsagawa na sila ng coordinating meetings para sa security plan at inaayos na lamang ang magiging deployment ng mga personnel.
Aabot naman sa 80 miyembro ng BCPO ang itatalaga sa mga pasyalan at iba pang tourist destinations sa lungsod.
Ayon kay Laoyan, kabilang sa kanilang tututukan ang mga kaso ng pickpocketing at pagnanakaw. Hinikayat din niya ang publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga bahay bago umalis, kabilang ang pagsasara at pag-secure ng mga pinto, bintana at iba pang pasukan.
Samantala, sinabi ni Laoyan na kabilang sa kanyang unang marching order sa mga commanders ng BCPO ang pagpapanatili ng disiplina ng kanilang mga personnel.
Aniya, kailangang mauna ang mga pulis sa pagsunod sa disiplina upang maging mabuting halimbawa sa publiko.
Iginiit din nito na target nilang mapababa sa limang minuto o mas mababa pa ang response time ng kanilang mga tauhan.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 1,300 ang kabuuang bilang ng mga personnel ng BCPO, na katumbas ng police-to-population ratio na humigit-kumulang isa sa bawat 800 residente.
Samantala, pinaalalahanan ni Laoyan ang publiko na maging mapagmatyag, bantayan ang kanilang mga gamit at tiyaking ligtas ang kanilang mga ari-arian, lalo na sa mga matataong lugar.











