--Ads--

BAGUIO CITY — Naglabas ng advisory ang Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) kaugnay ng mga reklamong ibinabahagi sa social media laban sa ospital at sa ilan nitong mga kawani.

Ayon sa pamunuan ng BGHMC, agad nilang iniimbestigahan ang lahat ng reklamong kanilang natatanggap, kabilang ang mga anonymous na post sa social media. Gayunman, hinihikayat nila ang mga nagrereklamo na magpakilala at direktang magsumite ng kanilang hinaing upang mabigyan ito ng agarang aksyon at nararapat na resolusyon.

Nagpaalala rin ang ospital sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media. Binigyang-diin ng BGHMC na ang mapanirang pahayag o tinatawag na “cyber libel” ay maaaring magdulot ng pananagutang legal sa ilalim ng umiiral na batas.

Kasabay nito, humiling ang pamunuan ng pang-unawa para sa kanilang mga doktor, nars, at iba pang kawani na patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa kabila ng matataas na bilang ng mga pasyenteng kanilang pinaglilingkuran.

Para sa mga nais magsampa ng reklamo o magsumite ng puna, maaaring personal na magtungo sa Public Assistance and Complaint Unit (PACU) ng ospital, mag-text sa Kumustext Platform sa numerong 0956-886-7971, o magsumite ng reklamo sa Contact Center ng Bayan ng Civil Service Commission. Ang mga reklamong natatanggap ng PACU ay sumasailalim sa pormal na proseso ng imbestigasyon at kaukulang aksyon.