BAGUIO CITY-Nagsagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng Baguio City at La Trinidad, Benguet gayundin ang mga empleado ng Department of Education (DepEd)-Cordillera sa mga paaralan na maaaring magamit kapag mapili ang lungsod bilang venue ng Palarong Pambansa 2018.
Ang nasabing inspeksyon ay bahagi ng paghahanda ng lungsod para sa bidding sa naturang aktibidad.
Iniutos ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang pagbuo sa iba’t-ibang komite para maasikaso ang bawat bagay na kailangan sa bidding na magaganap sa Agosto.
Nabigyan ng hanggang Hulyo 20 ang bawat komite na magpasa ng sarili nilang committee report na mapag-uusapan sa Hulyo 21.
Inaasahang sa una at pangalawang linggo ng Agosto ay magsasagawa ang DepEd-Central Office ng inspeksyon sa mga lugar na nagnanais makibahagi sa bidding sa Palarong Pambansa sa susunod na taon.
Maliban sa Baguio City ay posibleng makikibahagi sa bidding ang Bulacan, Palawan at Vigan City.