
Hinihiling ng isang biktima ng pagnanakaw na may pananakot ang paglalagay ng mas maraming streetlights at mas de-kalidad na closed-circuit television (CCTV) sa munisipyo ng Tublay, Benguet, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Naganap ang insidente sa Halsema Highway, Acop, Benguet noong Nobyembre 21, 2025, dakong alas-6 ng gabi, malapit sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa biktima, na tumangging magpakilala, naglalakad siya pauwi nang bigla siyang pilitin ng isang lalaki na kunin ang kanyang shoulder bag at tinutukan siya gamit ang isang improvised na “ice pick.” Sa una ay dinaanan lamang umano siya ng suspek, ngunit bigla itong bumalik at isinagawa ang krimen. Tinatayang tumagal ng halos 10 minuto ang insidente.
Naglalaman ang ninakaw na shoulder bag ng humigit-kumulang ₱5,000, mga susi, at iba pang personal na gamit. Bagama’t hindi nasaktan, inamin ng biktima na nakaranas siya ng trauma matapos ang pangyayari.
Ayon pa sa biktima, madalas siyang maglakad pauwi tuwing gabi dahil wala naman siyang naririnig na mga hindi kanais-nais na insidente sa lugar at pakiramdam niya ay ligtas ang kapaligiran. Gayunman, hindi niya inaasahang mangyayari ito sa kanya.
Agad na ini-report ang insidente sa pulisya. Nang bumalik siya sa lugar, natagpuan ang kanyang bag ngunit wala na ang laman nito. Ilang buwan na ang lumipas, sinabi ng biktima na tila mabagal ang usad ng imbestigasyon dahil wala pang natutukoy na suspek.
Ayon sa kanya, ilang beses na siyang kinausap at nag-follow up ang pulisya at may mga Persons of Interest na umanong tinutukoy, subalit hindi siya naniniwalang sila ang may kagagawan. Idinagdag pa niya na ipinakita sa kanya ang mga mukha ng ilang suspek ngunit kinumpirma niyang hindi ang mga ito ang salarin.
Bagama’t may kopya ng CCTV footage, nahihirapan umano ang mga awtoridad na kilalanin ang suspek dahil malabo at mababa ang kalidad ng video.
Dahil dito, nananawagan ang biktima sa lokal na pamahalaan at sa pulisya na magsagawa ng agarang aksyon upang mapabuti ang seguridad sa lugar at maiwasan ang pag-uulit ng insidente. Samantala, patuloy naman ang imbestigasion ng pulisya sa nangyaring insidente. | via Bombo Noveh Organo










