Aabot na sa 37,120 na pamilya sa rehion Cordillera ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at patuloy na nararanasang Southwest moonsoon o habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Social Welfare and Development-Cordillera, naitala sa Benguet Province ang pinakamataas na bilang ng mga apektadong pamilya na umabot sa 16,040 na binubuo ng 67,662 katao; sinundan ito ng Abra na may 12,993 na pamilya o 41,726 katao; Apayao na may 4,022 na pamilya; Baguio City na may 3,492 na pamilya; Mountain Province na umabot sa 452 na pamilya; Kalinga na may 269 katao; at Ifugao na nakapagtala ng 114 na apektadong katao.
Mula sa nasabing bilang, 27 na pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers habang 275 ang nakabalik o pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak.
Para naman sa bahay na nasira, aabot sa 32 ang totally damaged habang 189 ang partially damaged.
Sa interview ng Bombo Radyo Baguio kay Department of Social Welfare and Development-Cordillera Regional Director Maria C. Aplaten, sinabi niyang pagbaha at pagguho ng lupa ang pangunahing dahilan na naapektuhan ang mga pamilya.
Bukod pa riyan, malaki rin ang epekto ng patuloy na pag-ulang dulot ng Habagat.
Sa gitna nito, tiniyak ni Department of Social Welfare and Development-Cordillera Regional Director Aplaten na siento-por-siento silang nakahanda na magbigay ng tulong at tumugon sa mga nangangailangan.
Sa kasalukuyan, mayroon pa ring available na stockpile ng Food Family Packs ang nasabing opisina na aabot sa 55,714 habang mayroon din itong 20,754 non-food items na nagkakahalaga ng PhP 44,557,633 at standby fund na PhP2,839,
Samantala, mag iisang linggo nang nasuspendi ang face to face classes mula Pre School to Senior High School sa Baguio City at probinsiya ng Benguet dahil sa malalakas na pag ulan at hangin na dulot pa rin ng habagat.
Ang pagsuspendi sa klase ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga paaralan na linisin ang mga debris.
Kaugnay nito, inirekomenda naman ng DepEd Cordillera ang pagpapatupad ng alternative learning modality.