Baguio City- Inihayag ng Persons with Disability Affairs Office na nasa 11,400 na ang rehistradong Persons with Disabilities (PWDs) sa lungsod hanggang katapusan ng nakaraang taon, habang patuloy pa rin ang registration para sa iba’t ibang uri ng kapansanan.
Ayon kay Dr. Samuel G. Aquino, pinuno ng PDAO, 2,107 PWDs ang nagpa-rehistro noong nakaraang taon at nakatanggap ng kani-kanilang PWD ID. Kabilang sa mga ito, 1,156 ay kababaihan at 951 ay kalalakihan, na may saklaw sa 10 uri ng kapansanan ayon sa Department of Health: deaf, hard of hearing, speech/language impairment, physical (orthopedic), intellectual, learning, mental, psycho-social, visual, cancer, at rare disease.
Pinakamataas ang bilang ng psycho-social disability na may 724 registrants, sinundan ng physical (orthopedic) – 391, cancer – 377, visual – 128, learning – 117, hard of hearing – 95, speech/language impairment – 65, rare disease – 45, mental – 34, at deaf – 18.
Pinakamaraming rehistradong PWDs ay nasa edad 31–59 (1,105), sinundan ng mga bata 0–17 at kabataan 18–30 (443 bawat isa), at senior citizens na 60 pataas (116).
Layunin ng PDAO kasama ang National Council on Disability Affairs at Local Council on Disability Affairs na itaguyod ang pantay na oportunidad at aktibong partisipasyon ng PWDs, alinsunod sa bisyon ng Baguio 2043 bilang isang inclusive at creative city.











