Personal na iginawad ni PCOL. Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng PRO-CAR at Officer-in-Charge ng Benguet Police Office ng Police Regional Office–Cordillera, ang Medalya ng Pagkilala sa apat na miyembro ng La Trinidad Municipal Police Station (MPS) dahil sa kanilang agarang pagresponde sa isang vehicular accident na naganap sa Lamut-Shilan Road, La Trinidad, Benguet noong Mayo 5, 2026.
Ang mga pinarangalan ng Medalya ng Pagkilala ay sina PSMS Morgan A. Biadno, PSSg Reynald W. Cabesa, PSSg Ronalyn P. Pagtud, at PCpl Joerex T. Dulay.
Bukod dito, kinilala rin ang dalawang media outfit, kabilang ang Bombo Radyo Baguio, dahil sa suporta ng mga ito sa kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga sa ilalim ng “OPLAN Ultimate Grasscutter 2026” ng Benguet Provincial Police Office.
Samantala, nagbigay rin ng mensahe si Police Colonel Suerte hinggil sa kasalukuyan niyang yunit, kung saan sinabi niyang nakatuon ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa pagbabantay at pagmomonitor sa hanay ng mga pulis.
Ayon sa opisyal, mula taong 2016 hanggang 2021, tinatayang nasa halos 6,000 pulis sa buong bansa ang natanggal sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kasong kinasangkutan ng mga ito.
Pinuri rin ni Police Colonel Monte ang PRO-CAR at Benguet Provincial Police Office dahil wala umanong naitalang anumang kasong kriminal laban sa kanilang hanay mula nang magsimula ang taong 2026 hanggang sa kasalukuyan.











