Opisyal nang ililipat sa November 13, 2028 ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos maaprubahan ang Senate Bill No. 2387, na ngayon ay Republic Act No. 12326.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Elenito Julia Tabangin-Capuyan ng COMELEC Cordillera, sinabi nitong hindi na matutuloy ang filing of candidacy na nakatakda sana sa Lunes, Setyembre 28, 2026.
Kasabay ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas ay ang pag-isyu ng COMELEC Minute Resolution No. 260842 na nag-aatas na itigil na ang mga aktibidad para sa BSKE.
Gayunman, magpapatuloy ang printing ng mga election forms hanggang sa makumpleto ang bilang ng mga ito. Ipagpapatuloy din ang procurement ng mga kinakailangang kagamitan hanggang sa matapos ang proseso.
Magkakaroon naman ng voter registration sa ikalawang linggo ng Nobyembre 2026 bilang paghahanda para sa halalan sa 2028.
Inatasan din ang pagpapanatili at pagpreserba ng mga election paraphernalia upang magamit sa susunod na BSKE elections.
Samantala, lifted na rin ang mga election-related prohibition, kabilang ang appointment, hiring, promotion at transfer ng mga empleyado sa Civil Service.
Ayon kay Atty. Capuyan, maaari nang bumalik sa normal ang mga gawain matapos ang pagkaantala ng BSKE.
Gayunman, sinabi ng abogado na inaasahan niyang magkakaroon ng paghahain ng petisyon sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang constitutionality ng Republic Act No. 12326.
Ayon sa kanya, kung mangyayari ito, posibleng magkaroon ng panibagong proseso, gaya ng nangyari noon sa pagkuwestiyon sa Republic Act No. 11356.
Kung sakaling aprubahan ng Supreme Court ang petisyon at magpalabas ng Temporary Restraining Order o TRO, maaaring magkaroon ng panibagong schedule of activities para sa halalan.
Aniya, kung magkakaroon ng desisyon na magbibigay-daan sa pagpapatuloy ng halalan, posibleng maituloy ito sa panibagong petsa, kabilang ang posibilidad ng May 2027. Ngunit kung hindi pagbibigyan ng korte ang petisyon, hindi na matutuloy ang nasabing halalan.
Ipinasiguro naman ni Atty. Capuyan na kung sakaling pabor sa petitioner ang magiging desisyon ng Supreme Court at muling ipag-utos ang pagsasagawa ng BSKE, nakahanda umano ang COMELEC para ipatupad ang kinakailangang proseso.
Samantala, ibinahagi ni Atty. Capuyan na marami ang nagtungo sa kanilang tanggapan kahapon upang magtanong tungkol sa filing of candidacy. May ilan din umanong nagpa-photocopy ng mga kinakailangang dokumento bilang paghahanda sa filing.
Gayunman, napansin umano niya na hindi gaanong naging excited ang ilan nang malaman ang pagpapaliban ng halalan.
May ilan din umanong nagpahayag ng pagkadismaya dahil umaasa silang mabibigyan sila ng pagkakataong mamuno at magkaroon ng bagong mga lider sa barangay, sa halip na palaging mga dating opisyal ang nakikita sa kanilang lugar.
Karamihan umano sa mga nagpahayag ng kanilang saloobin ay mga kabataan na nagnanais na makita ang performance ng kanilang mga barangay at umaasang mabibigyan din sila ng pagkakataong makapaglingkod at mamuno sa kanilang komunidad.











